Wednesday, March 28, 2012

Parent's consent (tagalog)


Magandang araw,

Ang “Bread Homes Sharing Garden” ay isang boluntaryong pamamalakad na proyekto na bukas sa kahit na sinumang may gustong sumali. Ito ay may layuning magsagawa ng isang organikong pamamaraan ng paghahardin o “organic gardening”. Ang balak itanim sa hardin na ito ay mga prutas, gulay, mga halamang-gamot, at mga spices na ginagamit o kinakain natin sa pang araw-araw. Isa din sa layunin ng proyektong ito ay ang pagbuo ng positibong komunidad na nagbibigayan, nagdadamayan at nag tutulungan. 

Iniimbitahan po namin kayo o ang inyong mga anak na sumali sa proyektong ito ng sa ganon ay malaman ninyo/nila kung gaano ka importante ang pagtatanim sa ngayon at sa ating hinaharap. Sa proyektong ito, tuturuan ang mga nagboluntaryo hindi lang sa panananim at pamimigay ng pagkain kung hindi pati na rin sa mga kasanayan, kaalaman, at iba pang mga importanteng bagay na may pakinabang sa ating buhay. At dahil dito, may mga gaganaping mga workshops at discussions tungkol sa isyu ng pagtatanim, pag iipon at pagpaparami ng binhi, paggawa ng mga natural na fertilizer, natural na pestisidyo, pati na rin sa isyu ng kalikasan/kapaligiran, pagkain at kalusugan. Bukod dito, may mga pag-aaral din tungkol sa masasamang epekto ng pestisidyo upang malaman ninyo/nila kung gaano ka delikado ang paggamit nito sa agrikultura at kung ano ang mga naging epekto nito sa mga tao at sa kapaligiran.

Ang unang benepisyaryo sa proyektong ito ay ang mga masigasig na sumali at nagbigay ng kanilang lakas at oras para tumulong sa hardin. Pangalawa, patungo sa mga kapit-bahay o sa mga taong nangangailangan kagaya ng mga walang bahay o homeless, nasunugan, nabahaan, o mga biktima ng sakuna sa abot ng ating makakaya. Ang aktibidad ay halos ginagawa araw-araw mula Lunes hanggang Linggo pero ang takdang oras ay nakadepende sa availability o sa oras ng mga garden coordinators  at depende na rin sa inyo kung anong oras at araw kayo pwedeng sumali o ang inyong anak dahil inaalala din namin ang kalagayan ninyo bilang isang magulang at ang inyong anak bilang estudyante. Nakadikit sa sulat na ito ang brochure ng proyekto para mas maintindihan po ninyo ang dahilan kung bakit inimbitahan namin kayo. 

Kung ang anak niyo lang po ang pwedeng sumali, kailangan namin ang inyong pahintulot kaya paki lagdaan lang po ng nasa ibaba ng pahina ng sulat na ito at pakibalik sa amin. Nais naming ipaalam na hindi namin responsibilidad kung may pinsala mang mangyari sa kanya sa kadahilanang ang trabaho namin ay mga garden coordinators at hindi mga guardians. Kaya kung sa tingin niyo ay kinakailangan, pwede siyang magdala ng tagapag-alaga kung hindi pa niya kayang pangasiwaan ang kanyang sarili. Kung nag desisyon kayo na hindi sumali pati na ang inyong anak, nirerespeto namin ang inyong desisyon at pakibalik lang po ng sulat na ito sa amin.

Maraming salamat,

BHSG Coordinators

No comments:

Post a Comment